DAGUPAN CITY– Dinagdagan pa ang security escort na nagbabantay ngayon sa kaligtasan ni dating Pangasinan Governor at dating Congressman Amado Espino Jr matapos tambangan ang convoy nito noong hapon ng Miyerkules sa Brgy Magtaking San Carlos City.

Ayon kay Police Lt. Col. Mary Crystal Peralta, tagapagsalita ng PNP Region I, kasabay ng isinagawang press conference na ginanap sa lalawigan ng La Union sinabi nito na hindi nila bibigyan ng pagkakataon na manamantala ang mga suspek na nasa likod ng pananambang sa dating opisyal ng lalawigan .

Ngunit sa kabila nito, inihayag ni Peralta na maari lamang magtagal ang mga security escort sa pagbabantay kay dating Governor Espino ng 15 araw na maari namang mapalawig depende sa pangangailangan at pag-apruba ng kanilang higher office.

--Ads--

Paglilinaw nito na may mga sinusunod silang protocoal sa ganitong usapin.

Matatandaan na sakay si Espino ng Toyota Land Cruiser SUV kasama ang kanyang driver na si Agapito Cuison at Jayson Malsi habang ang kanyang back-up security ay sakay naman ng black Toyota Innova na minamaneho ni Anthony Columbino at kasama sina Police Staff Sgt Richard Esguerra at Kervin Marbori at patungo sanang Brgy. Ilang, nang sila ay pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang suspek na armado ng mga mahahabang armas.

Matapos ang pamamaril ay agad ding tumakas ang mga ito sa direksiyong Malasiqui, Pangasinan.

Agad na nasawi ang bodyguard na si Esguerra habang si Cuison, ang driver na nakapagtakbo sa dating Kongresista sa pagamutan ay binawian din ng buhay .