Isang lalaki sa Singapore ang napilitang magpanggap na pumanaw ang kanyang lolo as kagustuhang mabayaran ang kaniyang nais na leave.

Ayon sa ulat, hindi kasi magawang makapag-concentrate sa trabaho ng lalaking si Barath Gopal, 29-anyos dahil sa away nila ng kaniyang girlfriend.

Kung saan nalaman ni Gopal noong Nobyembre 2023 na may ibang lalaki ang kanyang kasintahan. Dahil dito, hindi na siya makapag-focus sa kanyang trabaho bilang security financing operation analyst.

--Ads--

Bagaman may natitira pa siyang apat na araw na annual leave, nagdesisyon siyang magsinungaling at sinabi sa kanyang boss na pumanaw ang kanyang lolo habang natutulog.

Humiling si Gopal ng tatlong araw na paid compassionate leave mula Nobyembre 8 hanggang 10, at agad naman itong naaprubahan.

Gayunpaman, nang hingan siya ng kanyang supervisor ng death certificate bilang patunay, idinahilan niya na makukuha lamang niya ito kapag nakabalik mula India ang kanyang ama.

Upang maisakatuparan ang panloloko, nakipag-ugnayan si Gopal sa kamag-anak ng isang kaibigang pumanaw noong Hulyo 2023 at humingi ng kopya ng death certificate nito. Pinalabas niyang kailangan niya ang dokumento upang maipaliwanag ang kanyang pagliban sa trabaho.

Ginamit niya ang naturang dokumento upang lumikha ng pekeng death certificate ng kanyang lolo gamit ang laptop at photo editing software.

Ipinasa niya ang dokumento sa kanyang boss, ngunit sinadyang putulin ang bahagi kung saan makikita ang QR code na nagpapatunay ng pagiging lehitimo nito. Nang igiit ng kanyang boss na isumite ang buong kopya, napilitan siyang ipadala ang kumpletong dokumento. Sa puntong ito, alam niyang mabubuking ang kanyang kasinungalingan, kaya bago pa matapos ang imbestigasyon ay nagbitiw na siya sa trabaho noong Disyembre.

Ayon sa Immigration and Checkpoints Authority ng Singapore, nalugi ang kompanyang pinagtatrabahuhan ni Gopal ng halos $500 Singaporean dollars dahil sa kanyang paid compassionate leave. Sa ilalim ng batas ng Singapore, ang sinumang mapatutunayang nagpeke ng death certificate ay maaaring makulong nang hanggang 10 taon at pagmumultahin ng hanggang $10,000.