Sa gitna ng lumalawak na interes ng mga Pilipino sa cryptocurrency, muling nagpaalala ang Securities and Exchange Commission (SEC) na dapat ay maging mapanuri ang publiko sa pagpasok sa ganitong uri ng investment.

Ayon kay Helen Veryan Valdez, Information Officer ng SEC, kasalukuyang inaayos ang mga alituntunin at regulasyon para sa mga digital assets tulad ng cryptocurrency sa Pilipinas.

Bagama’t wala pa namang cryptocurrency paying platform sa bansa.

--Ads--

Binigyang-diin niya na anumang negosyo online man o hindi ay kailangang irehistro sa SEC upang maging legal.

At kahit na ang isang platform ay naka-base sa ibang bansa tulad ng US o India, kung ito ay accessible at bukas para sa mga Pilipino, kinakailangan pa rin nito ng lisensiya mula sa SEC.

Ang rehistrasyon ay hindi lamang legal na requirement, kundi isang paraan upang maprotektahan ang mga mamumuhunan sa bansa. “Kapag may lisensiya, mas may mahahabol at mananagot kung sakaling magkaroon ng problema,

Kadalasan, ani Valdez, ang mga kahina-hinalang investment platform ay nangangako ng mabilis na balik ng kita — isang babalang senyales na maaaring ito ay scam.

Sa ganitong uri ng investment, hindi sigurado ang kita dahil pabago-bago ang halaga ng assets kaya dapat ay alam ng publiko na may kaakibat itong malaking panganib.

Dagdag pa niya, kung hindi personal na nakakausap ang taong nag-aalok ng investment at sa cellphone lamang ang komunikasyon, dapat agad itong pagdudahan.

Pinaalalahanan din niya ang publiko na maging maingat at responsable sa paglalagak ng pinaghirapan at matagal na inipong pera.

Para sa mga nais magsiyasat o mag-inquire ukol sa legalidad ng isang kumpanya o investment platform, maaaring bumisita sa opisyal na website ng SEC o tumawag sa kanilang hotline.