DAGUPAN CITY — Muling nagpaalala ang Securities and Exchange Commission laban sa mga panibagong illegal solicitation of investment services.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Helen Veryan Valdez, Information Officer ng nasabing tanggapan, sinabi nito na kabilang sa mga entity na nago-operate nang walang kaukulang lisensya mula sa komisyon ay kinabibilangan ng: Valero Energy Corp Phils.; Trade City-Malla; MI Trade; Binance; Arcane Digital Marketing; Octa FC/Octa Trading; Kito-Kiko Variety Shop; Infinity 8Networks Digital Services OPC; at iba pa.
Aniya na kung mapapansin ay iba’t ibang klase ang mga negosyo ito na kinabibilangan ng energy corporation, merchendise o retail stores, at maging salon at kung titignan ang permit ng kanilang mga serbisyo ay wala namang nakasaad dito na investment.
Gayunpaman ay nagsasagawa pa rin sila ng solicitation investment scams sa publiko kahit hindi pa sila lisensyado upang gawin ito.
Saad pa nito na makokonsidera ang isang entity na hindi lisensyado sa pagso-solicit kung wala silang Certificate of Authority o kung wala silang Secondary Permit to Operate.
Makikita kasi aniya sa kanilang solicitation activity ang paghingi ng isang tiyak na halaga ng pera kalakip ang pangako na babalik ito sa mga hihingan nila bilang investment. Sa pagkakataon pa lamang na ito ay maikokonsidera na ito bilang Investment Contract at ang tanging mga negosyo na mayroong lisensya para rito ang maaaring gawin ito.
Sinabi naman ni Valdez na upang maiwasang maging biktima ng investment scam ay dapat maging mapagmatyag at may alam ang publiko sa pag-verify ng legitimacy ng isang negosyo na nagaalok ng investment sa pamamagitan ng solicitation sa Securities and Exchange Commission.