Patuloy ang isinasagawang search and retrieval operations sa mga kataong naitalang nawawala pa rin hanggang ngayon matapos ang naranasang pagyanig sa Kangding City, sa Sichuan province ng Southwestern China.

Ayon kay Bombo International News Correspondent sa China na si Rodalyn Alejandro, nagpapatuloy pa rin ang retrieval operations ng mga otoridad sa mga indibidwal na napaulat na nawawala pa rin hanggang sa ngayon bagamat mababa na ang sinabi nilang tyansa na mahahanap pa ang mga ito dahil sa pinsalang iniwan ng 6.8 magnitude na lindol.

Sinabi pa ni Alejandro na hindi ito ang unang pagkakataon na nakapagtala sa China ng malakas na lindol, dahil una na ring niyanig ng magnitude 8.0 na lindol ang nasabing bansa noong 2008 na nagdulot naman ng pagkasawi ng 90,000 na indibidwal sa parehong probinsiya.

--Ads--

Dagdag pa ni Alejandro na bagamat hindi kasing-lakas nang nakaraang lindol ang yumanig ngayong araw sa China, nagdulot pa rin ito ng landslide, at matinding pinsala sa mga kabahayan, imprasraktura, at iba pang mga gusali.

Binigyang-diin pa nito na nasa ilalim ng mahigpit na lockdown ang Chengdu nang maganap ang lindol dahil mataas pa ang naitatalang mga kaso ng COVID-19 sa bansa.

Sa kabutihang-palad ay wala namang Pilipino ang naiulat na nasaktan o nasugatan dahil sa lindol.

TINIG NI RODALYN ALEJANDRO

Kaagad namang nagpadala ng tulong at nag-deploy ng tauhan ang Chinese government sa pamumuno ni President Xi Jinping para tumulong sa mga nasalantang lugar at apektadong residente.

Matatandaan na una nang naiulat na pumalo na sa 46 na katao ang nasawi, habang nasa 50 katao naman ang naitalang sugatan bunsod ng naturang lindol.