DAGUPAN CITY- Umaasa pa rin ang mga otoridad at mga residente sa Thailand na matatagpuang buhay ang mga patuloy pinaghahahanap na mga indibidwal matapos ang pagguho ng ilang mga gusali dulot ng kamakailang 7.7 Magnitude Earthquake.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Lyza Gumatay, Bombo International News Correspondent sa nasabing bansa, sa pamamagitan ng K9 Units, nakaka-detect umano sila ng ilang mga buhay pa sa ilalim ng mga gumuhong gusali.
Aniya, bumibilis na rin ang mga isinasagawang search and rescue operations at naghati-hati ang mga ito upang mas mapadali ang pagligtas.
Samantala, hindi pa rin mapanatag ang mga tao sa Thailand dahil sa patuloy nilang nararanasan na aftershocks.
Nagdulot na rin kase ng trauma sa mga residente ang malakas na pagyanig kaya maging ilang transportasyon, tulad ng Sky train, ay kinakatakutan nilang sakyan.
May ilan din na hindi pa umuuwi sa mga high-rise buildings na condominiums.
Kaya ipinag-uutos ngayon ni Thailand Prime Minister Paetongtarn Shinawatra na magkaroon ng update via text messages ang mga tao sa tuwing nakalilipas ang 5 minuto sa bawat aftershocks na naranasan.
Operational na ang ilang serbisyo sa Thailand, katulad ng ilang transportasyon at ang airports.
Ani Gumatay, ginagawa naman ng gobyerno ang kanilang makakaya para maging ligtas ang mga tao lalo na ang mga turistang pumapasok sa kanilang bansa.
Dagdag pa ni Gumatay, bukas sa lahat ng mga apektadong Pilipino sa Thailand ang opisina ng embahada ng Pilipinas para maghatid ng tulong.