Dagupan City – Muling nagliwanag ang puso ng Bayan ng Binmaley sa makulay at makasaysayang Christmas Lighting Ceremony, na nagtampok sa temang “Liwanag ng Pag-asa Matapos ang Unos at Pagsubok sa Bayan.”
Pinangunahan ito ni Mayor Pedro “Pete” A. Merrera III kasama sina Vice Mayor Edgar Mamenta, mga miyembro ng Sangguniang Bayan, at mga kawani ng lokal na pamahalaan.
Sa kabila ng mga pinagdaanang sakuna nitong taon, muling binuhay ng LGU ang paboritong SEAlew–Silew ed Baley, ang Sea-themed Christmas Lights na naging simbolo ng pagbangon at pag-asa ng Binmaley.
Kahit recycled ang mga dekorasyon, binigyang-diin ni Mayor Pete ang tunay na diwa ng Pasko—na hindi nasusukat sa magagarbong palamuti kundi sa presensya ni Kristo sa bawat puso ng mamamayan.
Kasama sa tradisyunal na pag-iilaw ang pagsindi sa Presidencia, tulay, plaza, at Estacion de Binmaley, na sabay-sabay na nagningning sa pagsapit ng gabi.
Maging ang mga residente at bisita ay hindi napigilang humanga sa pagbabalik ng makulay na pailaw na naging bahagi na ng taunang tradisyon ng bayan.










