Siniguro ng Schools Division Office (SDO) – Dagupan na mayroon nang pakikipag-ugnayan sa kanila ang Dagupan City Commission on Elections (COMELEC) para sa nalalapit na National Elections sa May 2022.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Aguedo Fernandez, Superintendent ng SDO Dagupan, kanilang hinihintay na lamang ang google forms na kanilang gagamitin upang pagtalaan ng mga gurong gustong magsilbi bilang Board of Election Inspectors (BEI).
Nabanggit din umano ng COMELEC Dagupan sa kanilang tanggapan ang posibleng pagkakaroon ng pagsasanay bilang paghahanda sa ilang pagbabago sa gaganapin na halalan bunsod ng pandemyang dulot ng COVID-19.
Sa ngayon ay kanilang hinihintay pa rin kung kailan ilulunsad ang naturang pagsasanay.
Hinihikayat naman ng SDO Dagupan ang lahat ng gurong registered voters at walang iniindang sakit na magsilbing BEI.
Hindi pa umano masasabi sa ngayon kung may kakulangan sa mga kakailanganing BEIs ngunit kung sakali man aniyang magdagdag ng election precincts, kung magkulang ng BEIs ay kaunti lamang ang kailangang maidagdag.
Totoo umanong magkakaroon ng epekto ang COVID-19 pandemic sa nalalapit na halalan sa susunod na taon sa bilang ng mga gurong gustong maging BEI sapagkat bukod sa mga gurong may commorbidities ay ilan pa aniya sa kanila ay may-edad na o senior citizen na hindi hinihikayat na maging poll watchers.
Kaugnay nito, nais din umanong masiguro ng SDO Dagupan na magkakaroon ng presensiya ng kapulisan at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kahabaan ng halalan upang masiguro ang seguridad at kaligtasan ng election precincts, maging ng BEIs.
Patuloy na inaantabayan ng SDO Dagupan ang hinggil sa proposal na tataasan umano ang honorarium ng kaguruhan kung sakali mang kailanganin nilang mag-extend ng oras bilang (BEI sa susunod na taong halalan.
Ayon kay Aguedo Fernandez, Superintendent ng SDO Dagupan, matutuwa ang mga guro kung ito man ay maisaktuparan sapagkat nariyan na umano ang kanilang pagod, puyat at sakripisyo sa pagbibigay serbisyo.
Samantala, siniguro rin ni Fernandez ang patuloy na kahandaan ng mga guro sa ginagamit ng modules ng mga mag-aaral bagaman patapos na ang School Year (S.Y.) 2020-2021.
Mayroon naman aniyang piling mga mag-aaral ang nabigyan ng educational tablets upang doon na ilalagay ang kanilang modules at hindi na kakailanganing gumamit pa ng printed modules.