Iginawad ng Boy Scouts of the Philippines (BSP) ang pinakamataas nitong pagkilala, ang Gold Gallantry and Heroism Award, kay Scout Chris Lorenz Fabian matapos ang kaniyang pagpanaw sa marahas na pamamaril sa paaralan sa Tacloban City .
Si Fabian ang estudyanteng nag-alay ng sariling buhay upang mailigtas ang kaniyang mga kapwa mag-aaral sa naganap na pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City.
Ayon sa BSP, ipinamalas ni Fabian ang sukdulang katapangan at walang pag-iimbot nang unahin niya ang kaligtasan ng iba kaysa sa sarili sa harap ng matinding panganib.
Binigyang-diin ng organisasyon na ang kaniyang sakripisyo ay magsisilbing inspirasyon sa mga susunod na henerasyon ng mga Scout at patunay na ang tunay na kabayanihan ay nasusukat sa mga buhay na naililigtas at hindi sa haba ng buhay.
Sa huli, nagbigay-pugay ang kapatiran ng Scouting kay Fabian, at tiniyak na mananatiling buhay ang alaala ng kaniyang pangalan, katapangan, at kabayanihan.










