Dagupan City – Nakapagtala ng 77 kaso ng school bullying ang Schools Division Office (SDO) Pangasinan 2 matapos ang isinagawang question hours ng Sangguniang Panlalawigan ng Pangasinan kaugnay ng mga insidente ng karahasan na kinasasangkutan ng mga estudyante.
Ayon kay Justine Rose De Guzman Tandoc, Development Officer 1, SDO Pangasinan 2 tinalakay ng mga Schools Division Superintendent ang mga hakbang na ginagawa ng DepEd upang maiwasan at matugunan ang mga ganitong insidente.
Mayroon nang itinalagang prevention and response personnel ang mga paaralan upang tutukan ang mga kaso ng bullying.
Sa SDO Pangasinan 1 naman, mayroong 97 plantilla items para sa mga naturang posisyon, kabilang ang administrative officer.
Aniya, patuloy namang hinihintay ang guidance associate item upang mas mapalawak ang mga programa para sa learner rights at mabigyan ng mas matibay na suporta ang mga guro sa field para sa proteksyon ng mga mag-aaral.
Binigyang-diin ng mga opisyal na dapat mabigyan ng pagkakataon ang mga learners na maipahayag ang kanilang panig upang maging patas ang pagresolba sa bawat insidente.
Nakasaad din sa DepEd Order No. 6 ang mga proseso kaugnay ng mga offense ng mga mag-aaral, kabilang ang bullying at non-bullying incidents. Ang mga ganitong kaso ay kailangang maiangat sa pamahalaang panlalawigan, lokal na pamahalaan, at Philippine National Police (PNP), dahil hindi lamang DepEd ang may pananagutan sa pagtugon dito.
Mula Enero hanggang kasalukuyan, mahigit 40 insidente na ang naitala, habang 17 kaso naman ang naitala mula Hunyo hanggang Hulyo.
Ayon kay Vice Governor Mark Ronald Lambino, napag-usapan sa isinagawang talakayan ang mga lokal na aksyon na maaaring gawin ng mga paaralan upang matugunan ang problema sa karahasan at bullying.
Iminungkahi rin ang pagsusuri sa mga entertainment establishments na matatagpuan malapit sa mga paaralan dahil may ilang insidenteng nangyayari sa labas ng campus.
Kabilang dito ang pagtingin sa distansya ng mga establisimyento sa paaralan at pagbabantay sa pagbebenta ng alak at sigarilyo sa mga lugar na maaaring ma-access ng mga estudyante.
Isa rin sa nakikitang salik na nakaaapekto sa mga mag-aaral ngayon ang madaling access sa social media, na maaaring makaapekto sa kanilang pag-uugali at kaligtasan.










