DAGUPAN CITY- Itinuturing ang Dagupan City bilang may pinakamalaking scholarship program sa buong Northern Luzon, na may taunang pondong P200 milyon at layuning makinabang ang tinatayang 5,000 estudyante bawat taon.
Subalit, nananawagan ang ilang miyembro ng Sangguniang Panglungsod ng mas malinaw at bukas na impormasyon tungkol sa mga benepisyaryo nito.
Ayon kay City Councilor Maria Librada Fe “Dada” Reyna, posible ang target na 5,000 scholars sa lungsod, ngunit iginiit niyang kailangan ang isang opisyal at kumpletong listahan ng mga benepisyaryo.
Aniya, mahalagang mailathala ito sa publiko—gamit ang social media o iba pang plataporma—upang mapanatili ang integridad ng programa at mapadali ang monitoring.
Samantala, binigyang-diin ni Councilor Marilou Lourdes S. Fernandez ang kahalagahan ng pagsubaybay sa mga nagtapos na iskolar upang matiyak na sila ay napapalitan ng mga bagong benepisyaryo.
Aniya, dapat malaman kung may tuluy-tuloy na daloy ng scholarship slots upang maiwasan ang sobrang pagpapalaki sa bilang ng mga tumatanggap ng benepisyo.