DAGUPAN CITY–Sinuspinde ng lokal na pamahalaan ng siyudad ng San Carlos ang schedule ng pagbisita sa mga puntod sa mga sementeryo ngayong araw dahil sa sama ng panahon dulot ng bagyong Pepito.

Matapos ang ginawang Pre-Disaster Risk Assessment Meeting ng City Disaster Council ng Lokal na Pamahalaan ng lungsod kahapon nang masailalim sa Storm Warning Signal #2 ang lalawigan ng Pangasinan, napagpasyahan na huwag na munang pahintulutan ang pagbisita ng mga residente sa mga puntod sa sementeryo ngayong araw, at ang mga nakatakda sanang bumisita ay inilipat ang schedule bukas, October 22, 2020.

Labing apat na mga barangay ang naapektuhan ng pagbabago, bagamat ito ay para na rin sa kaligtasan ng mga residente lalo pa’t inaasahan na makakaranas ng masungit na panahon ang Pangasinan ngayong araw dahil sa epekto ng bagyong Pepito.

--Ads--

Kasama rito ang mga barangay Tarece, Manzon, Magtaking, Mamarlao, Pangoloan, Caingal, Mabini, Coliling, San Juan, Bogaoan, Balococ, Tarectec, Nelintap at Perez.

Samantala, tiniyak naman ng LGU ang kanilang kahandaan at pagkakaroon ng sapat na tropa, equipments at supplies upang rumespunde sa gitna ng masamang panahon.