Humingi ng proteksyon sa Senado ang dalawang personalidad na sangkot sa isyu ng maanomalyang flood control projects.
Si Sally Santos, may-ari at manager ng SYMS Construction Trading, ay nagpetisyon para sa physical protection, habang si dating Bulacan Assistant District Engineer Brice Hernandez naman ay umapela para sa legislative immunity.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, ipinaliwanag ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na maaaring pagkalooban ng komite ng legislative immunity ang mga resource persons upang hindi sila mangamba sa pagsisiwalat ng impormasyon.
Aniya, anumang pahayag na ilalabas nila sa pagdinig ay hindi maaaring gamitin laban sa kanila sa korte, ngunit kapalit nito ay ang obligasyon nilang magsabi ng buong katotohanan.
Nilinaw din ni Sotto na ang pagbibigay ng immunity ay hindi awtomatikong nag-aalis ng pananagutan, lalo na kung may kasong perjury.