Patuloy na inaalam ang pinagmulan ng sunog ng isang malaking establishemento sa barangay Poblacion, bayan ng Mangatarem, kahapon dakong 6:40 ng gabi.
Sa pagresponde ng Bombo Radyo Dagupan, inisyal na namataang nasusunog ang ikalawang palapag ng gusali na siyang napag-alamang stock room at posibleng naglalaman ng ilang flammable materials.
Bagaman may kaluwagan ang daan patungo sa establishemento at hindi tantong nahirapan ang mga bumbero sa pagdaan, kapansin-pansin sa naturang insidente ang dami ng mga residenteng nasa paligid ng nasusunog na gusali na siyang kinaalarma ng kapulisang naroon kaya’t sila ay inabisuhang umuwi o ‘di kaya tumabi ngunit nagpatuloy ang mga ito sa panonood at hindi na nasagawa ang social distancing.
Batay naman sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Ivy Verceles, residente ng nasambit na bayan, namataan umano nila ang presensiya ng kanilang alkalde sa lugar, at isa ring konsehal upang tumugon o magbigay aksyon.
Sa ngayon wala pang napaulat na nasawi at sugatan ngunit kasalukuyan pa ring inaalam ang kabuuang danyos nang natupok ng apoy.