Nanawagan si Atty. Joey Tamayo Konsehal ng Sangguniang Panlungsod ng Dagupan na maipatawag ang mga opisyal at kinatawan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) – Pangasinan upang magpaliwanag hinggil sa mga kasalukuyang proyekto sa lungsod, partikular na ang mga hakbang laban sa pagbaha at pagsasaayos ng mga kalsada.

Ayon kay Tamayo, layunin ng imbitasyon na malaman ang plano, iskedyul ng mga proyekto, at kung hanggang kailan matatapos ang mga ito.

Isa sa mga pangunahing reklamo ng mga residente ay ang matinding trapiko, lalo na sa downtown area ng lungsod, na bunsod ng mga ginagawang kalsada.

--Ads--

Binanggit rin ni Tamayo na tungkulin ng gobyerno, sa pamamagitan ng DPWH, na tiyaking maayos ang mga access roads, tulay, at mga flood control systems upang mapangalagaan ang kaligtasan at kaginhawahan ng mga mamamayan.

Dagdag pa niya, mahalagang maipaliwanag kung bakit tila mabagal ang progreso ng flood control projects at kung bakit, sa kabila ng ilang taon ng pagtugon, ay hindi pa rin maresolba ang problema ng pagbaha sa Dagupan.

Samantala, nananatiling nakatutok ang Sangguniang Panlungsod sa mga proyektong ito bilang bahagi ng kanilang responsibilidad sa publiko upang matiyak ang mas maayos na serbisyo at mas ligtas na komunidad para sa mga Dagupeño.