Dagupan City – Nanawagan si Councilor Joey Tamayo sa mga construction suppliers sa lungsod na magbigay ng diskuwento sa mga residenteng labis na naapektuhan ng masamang panahon kamakailan, sa pamamagitan ng isang resolusyong ipinasa sa Sangguniang Panlungsod.

Partikular na tinukoy ni Tamayo ang Barangay Pugaro, isa sa pinakamalubhang nasalanta ng bagyo, kung saan kinakailangan ngayon ng agarang tulong para sa emergency shelter assistance. Batay kasi aniya sa ginawang pag-iikot ng Bise Alkalde katuwang ang Disaster Committees, naitala ang 43 total damage at 2,411 partially damaged na kabahayan.

Dahil dito, iginiit niyang aprobahan ang Resolution No. 193 upang mas mapabilis ang pagbibigay ng tulong sa mga apektadong residente.

--Ads--

Samantala, iniulat naman ni Councilor Karlos Reyna ang kanilang apela sa mga ahensyang BFAR at Department of Agriculture upang matulungan ang mga mangingisdang napinsala ang kanilang fish farms.

Kasama rin dito ang Resolution No. 195, na humihiling sa DSWD na magbigay ng emergency livelihood assistance at pinansyal na suporta para sa mga nawalan ng kita.

Kabilang sa mga apektado ay 3,020 tricycle drivers, 500 jeepney drivers, 500 small vendors, 185 beach shed merchants, at 100 consignation quarters.

Nagpahayag din si Councilor Marcelino Fernandez ng patuloy na pagtugon ng lungsod sa pangangailangan ng mga residente matapos ang masamang panahon.

Ibinahagi niya na may mga naitalang first-time evacuees sa loob ng 22 taon, karamihan ay mga bata, matapos ang biglaang pagtaas ng storm surge.