Dagupan City – Nakatakdang magsagawa ng question hour ang Sangguniang Panlalawigan ng Pangasinan kaugnay sa mga naitatalang mga road accidents sa bypass road sa syudad ng Urdaneta.
Ayon kay Pangasinan Vice Governor Mark Ronald Lambino, ang presiding officer ng Sangguniang Panlalawigan, isang resolusyon ang ipinasa para malaman ang dahilan ng naitatalang mga aksidente sa bypass road.
Imbitado ang mga opisyalis ng LGU Urdaneta sa pangunguna ni Mayor Rammy Parayno, ang POSO Chief, COP ng Urdaneta CPS, DPWH, at ilang mga stakeholders.
Aniya, lumalabas umano na may nagaganap na drag racing sa lugar na nagiging sanhi ng aksidente.
Matatandaan na ipinanukala ni 5th District Board Member Chinky Perez-Tababa ang question hour dahil sa nagreresulta na sa pagkawala ng buhay at ari ariaan sa mga aksidente sa Bypass Road na tinaguriang Economic hub ngayon ng syudad.
Samantala, patuloy naman ang pagtalakay sa usapin ng territorial boundary sa bayan ng Sison at Rosario, sa lalawigan ng La Union kaugnay sa quarry operation sa lugar.
Ayon kay Vice Gov. Lambino, hinihintay na lamang nila ang resulta ng imbestigasyon ng DENR-MGB o Mines and Geosciences Bureau at National Mapping ang Resource Information Authority o NAMRIA upang maiwasan ang boundary dispute sa mga teritoryo ng bawat probinsiya.