DAGUPAN CITY – Nais ipasa ng Sangguniang Panlalawigan ng Pangasinan ang isang provincial resolution na magbibigay-daan sa pagkakaroon ng Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Provincial Government at ng National Food Authority (NFA) para sa direktang pagbili ng palay mula sa mga corporate farmers sa lalawigan.
Tiniyak ni Board Member Nicholi Jan Louie Sison, chairman ng Committee on Agriculture, na patuloy ang suporta ng probinsya sa mga magsasaka upang masiguro ang patas at mas mataas na kita para sa kanilang mga ani.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Sison na ang direktang pagbili ng palay ay layong mapabilis ang pagbebenta sa NFA, na makatutulong upang maiwasan ang lugi ng mga magsasaka sa gitna ng pagbaba ng presyo ng palay sa merkado.
Dagdag pa ni Sison, ilan sa mga local government units (LGUs) sa Pangasinan ay nagbibigay ng dagdag-presyo mula ₱0.50 hanggang ₱1.00 kada kilo para sa mga dried palay bilang insentibo at tulong sa mga magsasaka. May mga LGU rin aniya na nagbibigay ng binhi, abono, patubig, at teknikal na tulong upang mapabuti ang produksyon ng palay.
Aminado si Sison na ang pagbagsak ng presyo ng palay ay dulot ng iba’t ibang salik gaya ng masamang panahon, mga bagyo, at labis na ulan na nakaaapekto sa kalidad ng ani.
Samantala, tiniyak naman ng Provincial Agriculture Office (PAO) na patuloy ang kanilang pagtutok sa sitwasyon ng mga magsasaka sa lalawigan, partikular sa mga lugar na labis na naapektuhan ng pagbaba ng presyo ng palay.
Layunin ng naturang hakbang ng Sangguniang Panlalawigan na mapatatag ang ugnayan sa pagitan ng probinsya at NFA upang masiguro ang matatag na merkado at mas maayos na kita para sa mga magsasaka ng Pangasinan.