Ikinagulat ni second district board member Von Mark Mendoza ang muling pagbuhay sa Private Motor Vehicle Inspection Center (PMVIC) Program.

Kaugnay nito, sinabi ni Mendoza na nag pasa sila ng isang resolution na humihingi kay pangulong Rodrigo Duterte na suspindihin ang pag-implementa ng PMVIC.

Ang isa sa tinukoy na dahilan ni Mendoza ay nasa ilalim pa rin ng pandemya ang bansa at anumang karagdagang gastusin ay magiging pabigat sa publiko.

--Ads--

Giit niya na hindi napapanahon ang pagbuhay sa programa dahil dagdag pasanin ng mga may sasakyan na kakarampot ang kinikita.

Sa ngayon ay may tatlong PMVIC sa lalawigan kung saan isa sa lungsod ng Dagupan, isa sa lungsod ng Alaminos at Lingayen.

Nakikiisa naman si Mendoza sa mga nagsagawa ng rally na tutol sa pagpapatupad ng (PMVIC) Program.

Itinuturing kasi ng mga grupo ng mga tumututol dito na malaking dagok ito kaya huwag nang gawing mandatory ang pagpapainspeksiyon ng mga sasakyan sa PMVIC.

Naniniwala ang opisyal na napakaraming problema na idinulot nito sa mga motoristang gustong magparehistro ng kanilang sasakyan.

Second District Board Member Von Mark Mendoza

Naiintindihan umano ni Mendoza ang magandang layunin ng program para sa kaligtasan ng mga mananakay pero puwede pa ring suportahan ang roadworthiness sa ibang paraan na hindi na kailangan na maglabas ng dagdag gastusin.

Apela niya ay dapat pag-isipan ng mga ahensya ng gobyerno ang pag abolish sa nasabing programa.