Inurong ng Sandiganbayan Third Division ang paglalabas ng desisyon sa hiwalay na petisyon para sa piyansa ni dating senador Ramon “Bong” Revilla Jr. at anim niyang co-accused sa kasong malversation of public funds.
Ang kaso ay may kaugnayan sa umano’y maanomalyang P92.8-million flood control project sa Pandi, Bulacan.
Ayon sa korte, pinalawig ng 30-araw ang pagresolba sa mga petisyon simula Mayo 7, 2026, dahil sa dami ng mga rekord at testimonya na kailangang repasuhin.
Sa pahayag ni Atty. Dennis Pulma, clerk of court ng Third Division, kinailangan ng korte ng dagdag na panahon dahil sa lawak ng mga dokumento at transcript ng testimonya ng mga saksi.
Ibinahagi rin na may mga karagdagang isinumiteng dokumento matapos ang huling pagdinig noong Abril 24, kabilang ang hiwalay na petisyon at memorandum mula sa ilang mga akusado.
Kabilang sa mga co-accused ni Revilla, dating opisyal at engineer mula sa Department of Public Works and Highways, pati na rin ang ilang accountant na umano’y sangkot sa proyekto.










