Tinawag ni Senador Francis Pangilinan na isang insulto sa Pilipinas at paglala ng panggigipit ng China sa West Philippine Sea ang sanctions laban kay Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr.
Kaugnay nito, hinimok ng Senador ang Department of Foreign Affairs (DFA) na magsampa ng formal protest matapos pagbawalan si Teodoro at ang kanyang pamilya na makapasok sa China, Hong Kong, at Macau.
Ayon kay Pangilinan, ang hakbang ng China ay pag-atake sa sovereign decision ng Pilipinas dahil ang mga pahayag ni Teodoro ay sumasalamin sa opisyal na polisiya ng pamahalaan.
Aniya, ang pagpaparusa sa kalihim at sa kanyang pamilya ay paglapastangan din sa Pangulo, sa estado, at sa Konstitusyon.
Samantala, sinabi ng China na ipinataw ang sanctions dahil sa umano’y paulit-ulit na iresponsableng pahayag ni Teodoro na nakaaapekto sa interes ng Beijing at sa relasyon ng dalawang bansa.
Iginiit naman ni Pangilinan na ang pagpaparusa sa isang miyembro ng Gabinete dahil sa pagtatanggol sa 2016 arbitral ruling at sa mga karapatang kinikilala ng international law ay lalo lamang nagpapababa sa kredibilidad ng China sa international community.










