Patuloy na mino-monitor ng San Roque Dam ang lebel ng tubig sa reservoir at epekto ng Habagat habang isinasagawa ang controlled release bilang paghahanda sa posibleng pagtaas ng tubig. Nasa 274.85 meters above sea level ang kasalukuyang elevation ng dam, mas mababa pa rin sa 280-meter normal high level.
Ayon kay Maria Teresa Serra, Flood Operation Manager ng San Roque Dam, kasalukuyang 100 cubic meters per second ang discharge sa pamamagitan ng Low-Level Outlet. Nilinaw niyang nakasara ang spillway gates at ang Low-Level Outlet lamang ang ginagamit sa pagpapakawala ng tubig upang mapababa ang lebel ng reservoir at magkaroon ng sapat na espasyo sakaling magpatuloy ang pag-ulan.
Dadaan ang inilalabas na tubig sa silangang bahagi ng Pangasinan, ngunit sinabi ng pamunuan ng dam na hindi ito inaasahang magdudulot ng pagbaha sa mga kabahayan dahil mababa lamang ang volume ng discharge. Gayunman, patuloy ang pagbibigay ng abiso sa mga komunidad na maaaring magsagawa ng aktibidad sa mga ilog upang maiwasan ang anumang insidente.
Patuloy din ang monitoring sa dam habang inaasahan ang pagpapatuloy ng Habagat. Sakaling kailanganing buksan ang spillway gates, tiniyak ng pamunuan na susundin ang mga itinakdang protocol. Pinapayuhan naman ang publiko na manatiling maingat at sumunod sa mga opisyal na abiso ng mga awtoridad kaugnay ng kondisyon ng mga ilog at dam.




