Hindi pa naaabot ng San Roque Dam ang water spilling level nito dahil kasalukuyang nasa 246.56 meter above sea level ang tubig malayo pa sa critical level na 280 meters.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Tom Valdez, Vice President for Corporate Social Responsibility ng San Roque Power Corp. bagamat hindi pa delikado ang kasalukuyang antas, hinikayat ang publiko na maging mapagmatyag at huwag magpakampante lalo na sa harap ng nagpapatuloy na tag-ulan at epekto ng climate change.

Aniya na dapat masusing pag-aralan ang iba’t ibang ilog sa paligid, lalo na ang Agno River, upang maunawaan kung saan nagmumula ang pagtaas ng tubig at pagbaha sa mga mababang lugar.

--Ads--

Paliwanag pa niya na nagbabago na ang weather patterns dahil sa climate change kaya’t ang ulan ngayon ay maaaring “sobra-sobra” sa inaasahan.

Kung saan ang lahat ng tubig na bumababa mula sa Ambuklao at Binga Dams ay tinatanggap ng San Roque Dam, kaya’t mas mabilis ang pagtaas ng antas ng tubig dito.

Gayunpaman, hindi agad-agad naglalabas ng tubig ang dam sa halip, unti-unting nire-release ito bilang bahagi ng kanilang climate mitigation measures.

Ang impounding o pag-iipon ng tubig ay mahalaga rin upang may magamit sa panahon ng tagtuyot.

Sa ngayon dahil nagpapatuloy pa ang tag-ulan, kaya’t paalala nito sa publiko na mag-ingat, makinig sa mga anunsyo, at manatiling handa.