Dagupan City – Nanatili ang kapayapaan sa bayan ng San Manuel sa lalawigan ng Tarlac sa patuloy na pagsasagawa ng mga checkpoint na pinatupad ng kapulisan.
Ayon kay Pcapt. Zosimo Exala Jr., OIC ng San Manuel MPS, patuloy ang kanilang mga checkpoint sa buong bayan kung saan nasa kabuuang anim kada araw ang ginagawa nila, kabilang na ang strategic, Comelec, at anti-criminality checkpoints at police visibility sa kakalsadahan.
Sa katunayan aniya, sa loob ng isang linggong pagpapatupad ng Comelec Gun Ban ay wala pang naaresto dahil sa paglabag, ngunit patuloy ang kanilang “Revitalize Oplan Katok” sa pamamagitan ng pagbisita sa mga indibidwal na nasa listahang may unregistered at expired na baril at hikayatin silang i-safekeep ito sa himpilan ng pulisya. Mas kaunti umano ngayong taon, kung ikukumpara sa nakaraang taon.
Samantala, kung pag-uusapan ang mga areas of concern ngayong election period ay wala naman aniyang naideklarang areas of concern sa buong lalawigan ng Tarlac.
Sa kabilang banda, wala ring nakikitang presensya ng private armed groups kahit pa nasa regional boundary ito ng Pangasinan at Nueva Ecija ngunit nananatili parin ang pagiging alerto ng pulisya kaya hinihikayat nito ang publiko na mag-ulat agad sa kanilang himpilan kung may napapansin na anumang kahina-hinalang aktibidad sa kanilang nasasakupan.