Dagupan City – Agarang kumilos ang pamunuan ng San Jacinto National High School (SJNHS) matapos lumabas sa social media ang isang online threat kamakailan na may kaugnayan sa paaralan.

Ayon sa pahayag ng paaralan, agad na iniulat ni Principal IV Dr. Flora E. Condes ang insidente sa San Jacinto Municipal Police Station upang magsagawa ng beripikasyon at mga kinakailangang hakbang sa seguridad.

Bilang tugon, nagsagawa ang mga awtoridad ng masusing inspeksiyon sa mga silid-aralan at iba pang bahagi ng paaralan upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, kawani, at buong komunidad ng paaralan.

--Ads--

Nakipag-ugnayan din ang pamunuan sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng San Jacinto at sa Division Disaster Risk Reduction and Management Office ng Pangasinan II para sa wastong koordinasyon, pagmamanman, at kaukulang interbensiyon.

Hinikayat ng administrasyon ang mga mag-aaral, magulang, kawani, at iba pang stakeholder na manatiling kalmado, mapagmatyag, at maging responsable sa paggamit ng social media.

Pinayuhan din ang publiko na huwag magbahagi ng hindi beripikadong impormasyon, mga screenshot, o mga post na maaaring magdulot ng takot at pagkalito, at sa halip ay umasa lamang sa opisyal na pahayag ng paaralan at ng mga kinauukulang awtoridad.

Nagpahayag din ng pasasalamat ang San Jacinto National High School sa PNP–San Jacinto, sa Lokal na Pamahalaan ng San Jacinto, sa MDRRMO, at sa Division DRRM Office ng Pangasinan II dahil sa kanilang agarang pagtugon at pakikipagtulungan upang mapanatili ang seguridad ng paaralan.

Binigyang-diin ng pamunuan na nananatiling pangunahing prayoridad ang kaligtasan at kapakanan ng bawat mag-aaral at kawani.

Patuloy rin umano itong makikipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensiya upang maipatupad ang lahat ng kinakailangang hakbang alinsunod sa umiiral na mga protocol sa kaligtasan.