DAGUPAN CITY- Patuloy ang mahigpit na monitoring ng lokal na pamahalaan sa San Fabian sa epekto ng habagat na pinalakas ni Bagyong Crising, ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).
Nagsimula pa noong Biyernes ang pabugso-bugsong ulan sa bayan.
Noong Sabado, pansamantalang binaha ang bahagi ng Barangay Inmalog Sur, ngunit agad din itong humupa at naging passable ang mga daan.
Sa kabila ng patuloy na ulan, manageable pa rin ang sitwasyon, at wala pang inililikas na residente.
Nakikipag-ugnayan ang MDRRMO sa mga barangay opisyal, lalo na sa mga coastal at flood-prone areas, upang mabilis na makaresponde kung kinakailangan.
Tuloy-tuloy rin ang pagbabantay ng mga awtoridad sa mga posibleng pagbabago sa lagay ng panahon upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente.