DAGUPAN CITY- Pinaigting ng San Carlos City Police Station ang presensya nito sa mga barangay at mga paaralan matapos makatanggap ng mga ulat hinggil sa mga insidente ng pambabastos sa mga estudyante.
Ayon kay Police Major Ramsey Ganaban, deputy chief of police, agad na kumilos ang kapulisan upang matukoy ang responsable sa insidente at matiyak na hindi na muling mapapahamak ang mga kabataang mag-aaral sa lungsod.
Kasabay ng mas mahigpit na pagbabantay sa mga paaralan, isinabay na rin ang mas pinaigting na pagpapatupad ng curfew hours, lalo na ngayong ber months, kung kailan kadalasang tumataas ang bilang ng mga insidente ng pagnanakaw at panloloob.
Karamihan sa mga kasong ito aniya ay kinasasangkutan umano ng mga kabataan, ayon sa tala ng istasyon.
Bilang tugon, inilunsad ng San Carlos City PNP ang isang masinsinang programa sa pagbisita sa mga barangay upang marinig ang mga hinaing at alalahanin ng mga residente.
Sa ilalim ng programang ito, bawat police personnel ay may nakatalagang barangay kung saan sila nagsasagawa ng regular na dayalogo kasama ang mga punong barangay at mga itinalagang contact person ng istasyon.
Layunin nitong mapalakas ang ugnayan ng pulisya at komunidad, at maibahagi rin ang mga serbisyong maaring maitulong ng PNP.
Ayon kay Ganaban, bahagi rin ng inisyatibang ito ang pinalawak na deployment ng mga patrollers sa iba’t ibang barangay sa lungsod upang masiguro ang tuloy-tuloy na police visibility.
Ang mga Police sa Barangay (PSB) ay aktibong umiikot upang maging unang responder sa anumang isyung kinakaharap ng mga residente at upang mapanatili ang kaayusan sa kani-kanilang nasasakupan.
Patuloy na humihikayat ang San Carlos City Police sa mga mamamayan na makipagtulungan, magsumbong ng anumang kahina-hinalang kilos, at makiisa sa mga aktibidad ng kanilang barangay upang mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan sa komunidad.










