Dagupan City – Arestado ang isang 38-anyos na lalaki matapos itong lumabag sa RA 10591 o ang Firearms and Ammunition Regulation Act sa ilalim ng Omnibus Election Code of the Philippines.
Ayon kay Plt Mc Kinley Mendoza, Public Information Officer ng San Carlos City PNP, kinilala umano ang suspek na si Elmer Palomar sa Brgy. Agdao sa lungsod.
Base aniya sa mga salaysay ng ilang residente sa lugar, ginagamit umano ng suspek ang kanyang kalibre 38 na baril bilang panakot sa kanyang mga nakakasalubong dahil siya din ay nasa impluwensya ng alak.
At sa katunayan ay nauna na umano itong ginamit ng suspek sa kanyang asawa kaya naman ganun na lang din ang pangangamba ng ilan pang mga residente.
Matapos ang report, naaresto ang suspek at nakumpiska ang kaniyang baril na napag-alaman ding wala itong lisensya.
Ayon kay Mendoza, ito na ang kauna-unahang lumabag sa Gun Ban sa San Carlos, habang patuloy naman ang isinasagawang Gun Ban Checkpoints ng kapulisan at ng ilang opisyales ng COMELEC-San Carlos upang masiguro ang seguridad ng mga residente sa syudad.