DAGUPAN, CITY— Nagbabala ang San Carlos City LGU sa kanilang mga residente na maaring muling magpatupad ang kanilang tanggapan ng muling pagsasailalim ng kanilang siyudad sa lockdown kung patuloy pa rin ang hindi pagsunod ng ilan sa mga ipinapatupad na health protocols laban sa COVID-19.
Ito ay matapos makapagtala ng mataas na active cases ng COVID-19 ang naturang lungsod noong nakaraang mga araw kung saan pumalo ito sa 72.
Ayon kay Mayor Julier Resuello, mariin nitong ipinahayag sa kanyang mga kababayan na hindi ito magdadalawang isip na magdedeklara ito ng lockdown lalo na kung makikita pa rin nitong hindi pa rin magsusuot ang ilan ng kani-kanilang facemask, faceshield, at pagmimintina ng tamang social distance.
Aniya, mahirap at malungkot umanong malaman na sa ngayon ay nangunguna ang kanilang siyudad sa buong lalawigan ng Pangasinan na may pinakamaraming aktibong kaso ng sakit na umabot na sa 86.
Dagdag pa ni Resuello, bibigyan lamang niya ng 1 linggo ang kanyang mga ka-lugar upang maobserbahan kung sumusunod na ang mga ito sa mga minimum public health standards.
Nanawagan din siya sa mga opisyal sa bawat mga barangay na magmonitor sa kanilang nasasakupan upang ma-impose ang pagsunod ng mga ito sa naturang kautusan.
Sa ngayon nasa kabuuang 441 ang total cases ng COVID-19 sa siyudad ng San Carlos kung saan 24 ang naitalang nasawi, at 221 naman ang recoveries. (with reports from: Bombo Framy Sabado)