Sample blood collection tube with HIV test label on HIV infection screening test form.

Dagupan City – Ipinagdiwang ng City Health Office ng San Carlos City ang HIV Awareness Month 2025 sa Brgy. Mamarlao, sa pangunguna ni Dra. Susan Benitez at sa suporta ng pamahalaang lungsod sa pamumuno nina City Mayor Julier “Ayoy” C. Resuello at Vice Mayor Joseres “Bogs” S. Resuello.

Pinalakas ng aktibidad ang adbokasiya laban sa paglaganap ng HIV, lalong-lalo na sa mga kabataan edad 15-25 taong gulang na ngayon ay kabilang sa pinakamatataas na bilang ng kaso, base sa datos mula Enero hanggang Marso ng kasalukuyang taon na nagtala ng pagtaas kumpara noong 2010.

Nakibahagi rin sa gawain ang Department of Education bilang suporta sa pagpapalaganap ng tamang kaalaman tungkol sa HIV.

--Ads--

Isa sa mga tampok na bahagi ng programa ay ang talumpati ni Ronald Kevin Barangot, isang kilalang HIV advocate at person living with HIV (PLHIV), na nagbahagi ng kanyang personal na karanasan at nagbigay ng makabuluhang mensahe sa mga kabataan upang masugpo ang stigma na kaakibat ng nasabing sakit.

Itinampok sa selebrasyon ang patimpalak na Mr. & Ms. Hope 2025, na nilahukan ng pitong pares mula sa iba’t ibang high school sa lungsod, dala ang kani-kanilang adbokasiya upang itaguyod ang kamalayan at labanan ang diskriminasyon sa lipunan.

Nagtapos ang aktibidad na may mas malawak na kaalaman ang mga dumalo kung paano naipapasa ang HIV, paano ito maiiwasan, at kung anu-anong mga institusyon ang maaaring lapitan para sa testing at counseling.

Sa pamamagitan ng mga inisyatibong ito ng Department of Health at ng lokal na pamahalaan, patuloy ang laban upang mapababa ang kaso ng HIV sa bansa.