Aktibong nakikibahagi ang Samahan ng mga Magbabangus sa Pangasinan (SAMAPA) sa paghahanda at pagpaplano ng isasagawang dredging ng Sinocalan River System na inaasahang magsisimula mula Binalonan pababa hanggang Binmaley.
Ayon kay Aldo Sibayan, Pangulo ng SAMAPA, inimbitahan ang kanilang grupo upang magbigay ng rekomendasyon at gabay sa tamang pagpapatupad ng dredging project na isinusulong ng pamahalaang panlalawigan.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng maayos, organisado, at reguladong implementasyon ng proyekto alinsunod sa mga alituntunin ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan gaya ng DENR, BFAR at DILG.
Isa sa mga pangunahing binibigyang-pansin ng SAMAPA ay ang tamang koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan at barangay upang makapaghanda ang mga apektadong sektor, lalo na ang mga nasa aquaculture.
Ipinaliwanag na may tinatawag na culture period ang mga produktong tulad ng bangus, tilapia at iba pang lamang-dagat, na maaaring tumagal ng ilang linggo o buwan at posibleng maapektuhan ng dredging kung walang sapat na abiso at paghahanda.
Dahil karamihan sa mga maaapektuhan ng proyekto ay miyembro ng SAMAPA, nakatuon ang organisasyon sa maayos na information dissemination, pagbibigay ng step-by-step na paliwanag sa mga yugto ng proyekto, at patuloy na edukasyon sa kanilang mga kasapi.
Layunin nitong maiwasan ang kalituhan at pagtutol sa proyekto sa pamamagitan ng bukas na dayalogo at malinaw na pagpapaliwanag ng mga benepisyo nito sa pangmatagalan.
Sa kasalukuyan, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng SAMAPA sa mga ahensya ng pamahalaan at sa pamahalaang panlalawigan habang hinihintay ang pinal na iskedyul at pondo para sa proyekto.
Naniniwala ang organisasyon na kapag naisakatuparan nang maayos, ang dredging ng Sinocalan River System ay magdudulot ng pangmatagalang benepisyo sa aquaculture industry at sa kabuhayan ng mga mamamayan sa Pangasinan.










