Nalulungkot ang samahang Kilusang Mayo Uno (KMU) dahil tila hindi napanatili ang kaluwagan at kalayaan na nakamit sa EDSA People Power Revolution laban sa batas militar noon ng rehimeng Marcos.
Ayon kay KMU Chairperson Elmer “Bong” Labog, hindi siya sang ayon sa ilang mga pahayag na isang pangkaraniwang pangyayari lamang ang EDSA People Power Revolution dahil isa umano itong “major event” dahil sa pamamagitan ng pagkakaisa ng bawat sambayanang Pilipino ay nagawang patasikin ang hindi makataong pamamalakad ng diktador at dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Dismayado rin siya na tila unti unting nawawalan ng saysay ang sakripisyo ng mga Pilipino sa EDSA People Power Revolution dahil bagamat walang pormal na deklarasyon ng martial law sa kasalukuyang administrasyon ay tila nasa ilalim ng batas militar ang bansa .
Ayon pa kay Labog, ito ay dahil sa mahigpit na pamamalakad halimbawa na lamang sa patuloy na red tagging at pag atake sa hanay ng mga manggagawa at pagpasa ng mga batas na taliwas sa malayang paggamit ng trade union & human rights.
Sinariwa nito ang naging karanasan niya sa pakikiisa noon sa EDSA People Power Revolution kasama ang Kilusang Paggawa.
Inilarawan niya na mula EDSA hanggang sa Lacson street ay naghintay sila ng tamang pagkakataon na pasukin ang Malacañang Palace at noong sila ay nakapasok na, kanilang nasaksihan ang paghuhubad ng uniporme ng mga presidential security guards, ang kanilang pagtatapon ng armas sa Pasig na senyales ng kanilang pagtiwalag sa diktadura ni Marcos na itinuturing nitong makasaysayan at ang pagsira sa mga larawan ng mga Marcos.