Dagupan City – Naihahalal bilang Principal Board Representative ang presidente ng Samahan ng Magbabangus ng Pangasinan (SAMAPA) sa ginanap na Fisheries Management Area (FMA) 6 Convergence Meeting.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay SAMAPA President Aldo Sibayan, inilarawan niya ang pagkakahalal bilang isang malaking pribilehiyo para sa kanilang samahan. Aniya, magsisilbi sila bilang kinatawan ng sektor ng processors, traders, at marketing sa loob ng limang taon, mula 2026 hanggang 2031.

Ipinaliwanag ni Sibayan na magiging katuwang ang kanilang samahan sa pagbuo ng mga estratehiya at polisiya na layong mapaunlad ang kabuhayan ng mga nasa industriya ng pagproseso at pangangalakal ng isda sa loob ng nasasakupan ng FMA 6.

--Ads--

Ayon pa sa kanya, saklaw ng FMA 6 ang West Philippine Sea at kabilang dito ang mga baybaying rehiyon ng Ilocos Region (Region 1), Cagayan Valley (Region 2), Central Luzon (Region 3), CALABARZON (Region 4A), MIMAROPA (Region 4B), National Capital Region (NCR), at Cordillera Administrative Region (CAR), na layong isulong ang kapakanan ng mga lokal na mangingisda.

Samantala, ipinaabot ni Sibayan ang kanyang pasasalamat kay BFAR Region 3 Regional Director Wilfredo Mangilit Cruz sa ipinakitang inisyatibo at dedikasyon nito sa pagpapaunlad ng FMA 6.