Dagupan City – Binigyang-diin ng Samahan ng Magbabangus ng Pangasinan na hindi dapat ituring na pangunahing solusyon ang importasyon upang masiguro ang sapat na suplay ng isda sa merkado.
Ayon kay Aldo Sibayan, presidente ng samahan, isa lamang ang importasyon sa mga maaaring paraan upang mapanatili ang produksyon ng isda.
Gayunpaman, iginiit niya na hindi ito dapat maging pangunahing hakbang dahil marami pang ibang paraan upang mapangalagaan at mapalakas ang lokal na produksyon.
Ipinaliwanag ni Sibayan na ang labis na pag-asa sa importasyon ay maaaring magpahina sa lokal na industriya ng pangingisda, dahil ito ay panandaliang solusyon lamang.
Aniya, ang pagiging dependent sa ibang bansa ay maaaring magdulot ng kakulangan sa suplay, lalo na kung uunahin ng mga bansang pinanggagalingan ng importasyon ang kanilang sariling pangangailangan.
Dagdag pa rito, maaari rin umano itong magresulta sa pagkawala ng hanapbuhay ng mga lokal na mangingisda, at tuluyang magpahina sa kakayahan ng bansa na magprodyus ng sariling suplay ng isda.
Sa kabila nito, iginiit ni Sibayan na nananatiling malakas ang sektor ng fisheries sa bansa. Kaya naman, hinikayat niya ang pamahalaan na tutukan at palakasin pa ang industriyang ito.
Binanggit din niya ang mga bansang kilala sa matatag na produksyon ng isda tulad ng Vietnam, Indonesia, China, at Malaysia, na patuloy pa ring nakakapag-export. Aniya, hindi masama ang exportation kung ito ay maayos na napamamahalaan at hindi nagreresulta sa labis na pagdepende sa ibang bansa.
Dagdag pa niya, may sapat nang kakayahan ang bansa pagdating sa teknolohiya na maaaring makatulong sa pagpapalago ng lokal na produksyon.
Nagpasalamat din si Sibayan sa pamumuno ni Department of Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa mga tulong na naibigay sa kanilang sektor, lalo na sa gitna ng mataas na presyo ng krudo na nakakaapekto sa kanilang operasyon at logistics.
Nanawagan si Sibayan ng karagdagang suporta mula sa pamahalaan, partikular sa pagbibigay ng ayuda sa sektor ng agrikultura upang higit pang mapalakas ang lokal na produksyon ng isda.










