Itinuturing na “silent killer” ang sakit sa puso at stroke, na isa sa mga pangunahing dahilan ng pagkamatay ng maraming tao taon-taon.
Ayon sa mga eksperto, madalas itong hindi napapansin hanggang sa dumating na ang malubhang komplikasyon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dr. Glenn Soriano, malaking epekto sa kalusugan ng tao ang stress, lalo na kung may mataas na presyon ng dugo.
Kapag mataas ang blood pressure, tumataas ang panganib ng mga komplikasyon tulad ng heart attack at stroke.
Idinagdag pa niya na ang labis na adrenaline sa katawan at ang madalas na pagkain ng matatamis ay nakakapagpataas din ng blood sugar, na nagdudulot ng dagdag na panganib sa puso.
Binanggit rin ng doktor na ang pagkakaroon ng biglaang pagsabog ng ugat sa ulo ay maaaring magdulot ng heart attack o stroke.
Kaya’t mahalaga na maging alerto sa mga simpleng sintomas at agad magpa-check up sa doktor.
Aniya, silent killer ang sakit sa puso, kaya’t huwag ipagwalang-bahala ang anumang senyales.
Kaugnay nito isa naman sa pinakamabisang paraan para maiwasan ang mga sakit na ito ay ang pagbabago sa lifestyle.
Kabilang dito ang pagkain ng masustansyang pagkain, pagbabawas ng sugar at iba pang hindi healthy na pagkain, at regular na pag-eehersisyo.










