Isa ang nasawi matapos bumangga ang sinasakyang tricycle sa isang truck sa kahabaan ng New De Venecia Road sa Dagupan City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Police Lieutenant Colonel Lawrence Keith Calub, Chief of Police ng Dagupan City, kinumpirma niyang naganap ang insidente sa nasabing lugar.

Aniya, pauwi na umano sa bayan ng Sison ang truck mula Dagupan nang biglang nagswerve o lumipat sa kabilang linya ang tricycle, dahilan upang salpukin ito ng truck.

--Ads--

Sa lakas ng banggaan, tumilapon ang driver at pasahero ng tricycle.

Agad naman silang isinugod sa Region 1 Medical Center (R1MC), ngunit hindi na naisalba ang buhay ng isa sa kanila.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad at inihahanda na ang mga dokumento upang makapagsampa ng kasong “reckless imprudence resulting in homicide” laban sa sangkot na driver.

Paalala naman ni PltCol Calub sa publiko, na iwasang magmaneho kapag puyat o nasa impluwensiya ng alak, at ugaliing sundin ang “BLOWBAGETS” upang makaiwas sa anumang aksidente.