BOMBO DAGUPAN- Isang magandang bagay kung sakaling magkaroon ng taunang paggunita ang National West Philippine Sea Day tuwing ika-12 ng Hulyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Pablo Rosales, Pangisda Pilipinas, dapat lamang bigyan ng pag-alala sa tagumpay ng Pilipinas kaugnay sa kinaharap nito sa West Philippine Sea.
Ang nasabing paggunita din ay ang pagpapakita na kaya itong protektahan, ipagtanggol, at pangisawaan ng ating bansa, lalo na sa seguridad ng pagkain ng bansa.
Kung sakali man maideklara ito, isang malaking tulong ito sa pagkikilala ng nasabing karagatan na tunay itong parte ng Pilipinas batay sa napagdesisyunan ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Subalit, kailangan man panindigan ang nakasaad sa Arbitral Ruling, malaking katanungan naman sa mga mangingisda na tila’y paghahanda sa digmaan ang pagpoprotekta ng bansa sa nasabing karagatan.
Kaya sinang-ayunan ni Rosales ang naging pahayag ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa mapayapang pagprotekta sa inaagaw na bahagi ng bansa.
Aniya, ang mga mangingisda ang labis na naaapektuhan sa banggaan ng China at Pilipinas sa WPS.
Mayroon man ipinangakong seguridad ang pamahalaan sa kanila subalit hindi pa rin nawawala ang kanilang takot, lalo na’t natatanaw na sa baybayin ang mga barko ng China.
Hind rin kase sila sigurado kung hanggang kailan sila mababantayan ng Philippine Coast Guard kung tumitindi na lalo ang tensyon.
Kaugnay nito, lumiliit lamang ang pag-asa ng mga mangingisda sa kanilang paghanap-buhay dahil sa tumitinding girian sa West Philippine Sea. Hindi na rin kase nila sinusubukan pa lumapit sa nasabing parte ng karagatan dahil buhay din aniya nila ang kanilang tinataya.
Gayunpaman, saad ni Rosales na nais lamang nila ang tunay na kapayapaan sa pangingisda at galangin ng ibang bansa ang patakaran ng Pilipinas sa loob ng Exclusive Economic Zone nito.
Inaasahan naman ni Rosales ang pagtindig ng Pilipinas sa mayapang pagresolba sa tumitinding tensyon nito laban sa China.
Kaya inaasahan niya sa State of the Nation Address ng punong ehekutibo na mabigyan linaw nito sa mga dayuhang bansa na tigilan nang patindihin ang girian ng dalawang bansa.