Tinawag na “scrap of paper” ng House prosecution panel ang inihaing Answer Ad Cautelam ni Vice President Sara Duterte sa Senate impeachment court dahil sa puno anila ito ng kasinungalingan, maling pananaw, at malawakang pagtanggi na ayon sa batas ay itinuturing na pag-amin.
Ayon kay House prosecution panel spokesperson Atty. Antonio Audie Bucoy, hindi tumutugon ang depensa ng Bise Presidente sa mga alegasyon na nakasaad sa impeachment complaint na nagsasakdal sa kanya ng graft and corruption, bribery, betrayal of public trust, at iba pang matataas na krimen.
Dito na iginiit ni Bucoy na bigong sagutin ni VP Sara nang direkta ang mga paratang, at sa halip ay umasa lamang sa malabong pagtanggi na walang paliwanag ng mga katotohanan.
Ayon sa umiiral na legal na doktrina, ang isang general denial na hindi tahasang pinabubulaanan ang mga paratang gamit ang mga katotohanan ay itinuturing na isang pag-amin.
Binigyang-diin din ni Bucoy na hindi direktang pinabulaanan ni Duterte ang mga pangunahing alegasyon, kabilang ang mabilis na paggasta ng P125 milyon sa confidential funds sa loob lamang ng 11 araw.
Dahil ang umano’y pagtatangkang pigilan ng kanyang chief of staff ay ang paglalabas ng audit documents, at ang paggamit ng mga pekeng pangalan sa mga liquidation reports.
Tinanggihan din niya ang hiling ni Duterte na ibasura ang Articles of Impeachment, at sinabing walang batayan ang mga dahilan sa kanyang sagot.
Nauna nang kinumpirma na kabilang sa pormal na sagot ng prosecution sa Senado ay ang hiling na ituloy agad ang paglilitis.