Nakatanggap ang Pilipinas ng katiyakan mula sa Iran na papayagan ang ligtas at walang hadlang na pagdaan ng mga barkong mula sa bansa, suplay ng enerhiya, at mga Pilipinong seafarer sa Strait of Hormuz, ayon sa pahayag ng Department of Foreign Affairs noong Abril 2.
Ang nasabing garantiya ay kasunod ng pag-uusap nina Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro at Iranian Foreign Minister Abbas Araqchi, kung saan tinalakay ang seguridad ng suplay ng enerhiya at kaligtasan ng mga Pilipinong marino.
Ayon sa pahayag, tiniyak ng Iran na magkakaroon ng ligtas, tuloy-tuloy, at mabilis na pagdaan sa Strait of Hormuz para sa mga barkong Pilipino, enerhiya, at lahat ng Pilipinong seafarer.
Inilarawan ni Lazaro ang kanilang pag-uusap bilang “productive,” at sinabi niyang nagkaroon sila ng “positive understanding” upang matiyak ang kaligtasan ng mga marino at seguridad ng pangangailangan ng enerhiya ng bansa.
Dagdag pa ng kagawaran, makakatulong ang nasabing kasunduan upang mapatatag ang energy security ng Pilipinas. Dahil umaasa ang bansa sa Middle East para sa karamihan ng suplay ng enerhiya—lalo na mula sa Saudi Arabia—malaki ang epekto ng ganitong kasiguruhan sa tuloy-tuloy na pagdating ng langis at pataba sa bansa.










