Sa kabila ng humigit kumulang 10,000 na bilang ng mga Palestinong sibilyan na nasawi, marami na umanong kumukondena sa ginagawang opensiba ng Israel Defense Forces sa Gaza.
Ngunit ayon kay Shay Kabayan, ang Bombo International News Correspondent sa Israel, hindi parin mapipigilan ang Israel sa ginagawang pagganti hangga’t hindi pinagbibigyan sa panawagang palayain ang mga bihag ng militanteng Hamas.
Bagamat itinuturing na bilang “libingan ng mga bata” ang Gaza dahil sa mas pinalakas pang opensiba ng Israel Defense Forces, desidido pa rin itong ituloy ang ceasefire at sa ngayon ay minamadali na ito.
Saad ni Kabayan na ang nais lamang ng Israel ay pasabugan ng bomba ang mga target nilang imprastraktura ng Hamas ngunit hindi nila intensyong may madamay na mga inosenteng sibilyan.
Gayunpaman, hindi pa rin ito titigil dahil sobra rin ang naidulot na pinsala ng mga terorista sa Israel.
Tinawag naman ng United Nations bilang kakila-kilabot ang nagaganap na pagkakasawi ng mga sibilyan sa Gaza gayundin sa Israel.
Sa kasalukuyan ay marami na rin umano sa mga karatig na lugar sa Gaza ang nagkakasakit na lalo na ang mga bata dahil sa kagutuman.
Ikinalulungkot din nito na tila lahat ng mga nangyayaring sigalot ay isinisisi sa Israel.
TINIG NI SHAY KABAYAN
Samantala, 40 sa mga Overseas Filipino Workers sa bansa ang umuwi na ng bansa kahapon at inaasahang marami pa rito ang magnanais na magpa-repatriate dahil sa pangamba sa nagpapatuloy na gyera.
Ngunit marami pa rin naman sa mga Pilipino ang hindi pa nais umuwi sapagkat malaki pa rin ang kanilang tiwala na mapagtatagumpayan ng Israel ang laban.