DAGUPAN CITY – Nagpakawala ang Russia ng daan-daang drones at missiles sa kanlurang bahagi ng Ukraine, sa isa sa mga pinakamabibigat na pambobomba sa mga nakaraang linggo, ayon sa mga opisyal ng Ukraine.
Iniulat ang mga pag-atake sa Zaporizhzhia, Dnipropetrovsk, at Lviv, kung saan isang tao ang nasawi at ilan pa ang nasugatan.
Ayon kay Foreign Minister Andrii Sybiha, ipinapakita ng mga pag-atake kung bakit mahalaga ang diplomatikong hakbang upang tapusin ang digmaan, gayundin ang mas matibay na air defense systems.
Naganap ito kasabay ng pahayag ni Ukrainian President Volodymyr Zelensky na maaaring isagawa ang mga posibleng usapang pangkapayapaan sa alinman sa Switzerland, Austria, o Turkey, kasama si Russian President Vladimir Putin.
Ang posibilidad ng isang trilateral meeting na may mediator na US ay lumutang matapos makipagkita si US President Donald Trump kay Putin sa Alaska, bago nito hinost sina Zelensky at iba pang mga lider ng Europa sa White House.
Sinabi ni Zelensky na handa siyang makipagkita kay Putin “sa anumang format”.
Nag-alok naman si Hungarian Foreign Minister Peter Szijjarto na maaaring idaos ang summit sa Budapest.
Gayunman, si Hungarian Prime Minister Viktor Orban ay kilalang malapit sa Moscow at ilang ulit nang hiniharang ang mga pagsuporta ng EU para sa Ukraine, kaya’t maaaring hindi siya ituring ng lahat bilang isang neutral na host.
Sa isang panayam nitong Huwebes ng umaga, hindi direktang sinagot ni Zelensky ang alok ng Hungary, ngunit sinabi niyang hiniling niya kay Trump na kumbinsihin ang Hungary na alisin ang mga hadlang sa negosasyon para sa pagpasok ng Ukraine sa EU.
Idinagdag din ng pangulo na nag-iipon ng puwersa ang Russia sa katimugang front line sa rehiyon ng Zaporizhzhia na isa sa apat na rehiyon ng Ukraine na inaangkin na ngayon ng Russia bilang bahagi ng teritoryo nito.
Ayon sa air force ng Ukraine, may kabuuang 614 na aerial vehicles ang ginamit sa overnight attacks ng Russia at 577 sa mga ito ang kanilang napigil.
Sinabi ni Foreign Minister Sybiha na kabilang sa mga iyon ang halo ng drones, hypersonic missiles, ballistic missiles, at cruise missiles.