DAGUPAN CITY—Ikinatuwa ng transport group na AUTOPro Pangasinan ang sunod-sunod na rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo mula noong nakaraang linggo, kabilang ang inaasahang panibagong bawas-presyo na ipatutupad bukas.

Ayon kay AUTOPro Pangasinan President Bernard Tuliao sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, malaking tulong ito sa kanilang sektor dahil inaasahan nilang mas maraming drayber ang mahihikayat na muling bumiyahe.

Dagdag pa niya, kuntento sila sa kasalukuyang rollback at umaasa na bababa pa ang presyo ng diesel sa pabalik sa ₱60 kada litro. Kapag nangyari ito, inaasahan ang masiglang pagbabalik-pasada ng mga jeepney driver.

--Ads--

Ibinahagi rin ni Tuliao na sa kasagsagan ng mataas na presyo ng diesel, maraming jeepney driver sa kanilang grupo ang napilitang humanap ng alternatibong hanapbuhay upang matugunan ang pang-araw-araw na pangangailangan. Umaasa silang ang patuloy na rollback ay maghihikayat sa mga ito na muling magbalik sa pamamasada.

Samantala, binanggit ni Tuliao na hanggang sa kasalukuyan ay wala pa silang natatanggap na subsidiya para sa mga jeepney driver at operator. Aniya, naghihintay pa rin sila at umaasang maibibigay ito ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa loob ng linggong ito, matapos nilang makumpleto ang mga kinakailangang dokumento tatlong linggo na ang nakalilipas.

Sa gitna naman ng tumataas na heat index, lalo na sa Pangasinan, pinapayuhan ng kanilang grupo ang mga drayber na maging maingat, uminom ng sapat na tubig, at maglaan ng sapat na pahinga upang maiwasan ang epekto ng matinding init.