Hindi parin sapat ang kamakailang rollback sa presyo ng langis upang maibalik sa normal ang kita ng mga driver .

Yan ang binigyang diin ni Marlyn Dela Cruz, Presidente ng transport group na BUSINA, hindi lamang sa isyu ng ayuda kundi pati na rin sa patuloy na epekto ng mataas na presyo ng krudo sa kabuhayan ng mga tsuper at operator.

Ayon kay Dela Cruz, bagamat may bahagyang ginhawang dulot ito, mas magiging makabuluhan parin umano kung babalik sa humigit-kumulang P55 ang presyo ng diesel upang masabing “normal” na muli ang sitwasyon.

--Ads--

Tinalakay rin ng lider ng BUSINA ang service contracting program ng pamahalaan.

Bagamat may nakalaang pondo at ruta, sinabi niyang limitado lamang sa 10 araw ang implementasyon nito

Nagpahayag din ng pangamba ang grupo hinggil sa ipinatutupad na diskwento para sa mga pasahero.

Bagamat handa silang magbigay ng 20% discount at mas mataas pa para sa mga senior citizen, persons with disability, at estudyante, sinabi ni Dela Cruz na tila sa kanila rin kinukuha ang bawas sa kita.

Hiniling din ng BUSINA ang mas malalim na konsultasyon sa pagitan ng pamahalaan at transport sector upang matugunan ang kanilang mga hinaing.

Ayon kay Dela Cruz, handa silang magsakripisyo para sa kapakanan ng nakararami, ngunit kailangan pa rin ng sapat na suporta mula sa gobyerno.