Dagupan City – Nagsagawa ng road clearing operation ang San Carlos City Police Station sa mga barangay ng Tandoc, Roxas at Bugallon Posadas upang matiyak ang maayos at ligtas na daloy ng trapiko sa mga pampublikong lansangan.
Alinsunod sa pag-apruba at direktiba ni City Mayor Julier Resuello, pinangunahan ni PLTCOL Lawrence Keith D. Calub, Officer-in-Charge ng San Carlos City Police Station, ang mga tauhan ng pulisya sa isinagawang clearing operation.
Nakatuon ang operasyon sa pagtukoy at pag-aalis ng mga sagabal sa mga pampublikong lansangan na maaaring makaapekto sa malayang daloy ng mga sasakyan at kaligtasan ng mga motorista at pedestrian.
Bahagi rin ng hakbang ang pagpapanatili ng kaayusan sa mga komunidad at pagpapalakas ng peace and order sa lungsod, lalo na sa mga lugar na ginagamit ng publiko para sa regular na pagbiyahe.
Hinikayat naman ang mga residente, motorista at iba pang stakeholders na makiisa sa pagpapatupad ng mga umiiral na batas at lokal na ordinansa upang mapanatiling maluwag, maayos at ligtas ang mga kalsada sa San Carlos City.










