DAGUPAN CITY – Pormal nang inilunsad ng Lokal na Pamahalaan ng Calasiao ang River Restoration Program na naglalayong tugunan ang suliranin sa pagbaha sa kanilang bayan.

Ayon kay Mayor Patrick Agustin Caramat, ang programa ay inisyatibo ng LGU ng Calasiao sa pakikipagtulungan sa Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan.

Unang isinailalim sa proyekto ang Parungking River kung saan isasagawa ang dredging operation upang maibalik ang normal na agos ng tubig.

--Ads--

Layunin ng nasabing hakbang na mapabilis ang paghupa ng tubig tuwing may pagbaha sa bayan.

Hiling din umano ng mga magsasaka na maayos ang daloy ng tubig sa kailugan upang hindi agad umapaw at mabilis na humupa ang baha sa kanilang mga sakahan.

Dagdag pa ni Mayor Caramat, humingi sila ng tulong kay Pangasinan Gov. Ramon V. Guico III para sa pondo ng proyekto, habang ang manpower naman ay magmumula sa LGU.

Umaasa ang pamahalaang lokal na magiging pangmatagalang solusyon ang proyekto sa problema sa baha sa kanilang lugar.

Ang mga mahuhukay na debris ay dadalhin sa material recovery facility, at kung may mga indibidwal na nais kumuha nito para gawing pantambak, ito ay kanilang ipagkakaloob.

Inaasahan namang tatagal ng tatlo hanggang apat na buwan ang paglilinis ng nasabing ilog, ayon sa mga opisyal.