Nagpahayag ng pasasalamat ang grupong Rise Up for Life and for Rights sa naging desisyon ng International Criminal Court (ICC) na tanggihan ang kahilingang pansamantalang kalayaan o interim release ni dating Pangulong Rodrigo Duterte habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa umano’y mga krimen laban sa sangkatauhan na may kaugnayan sa war on drugs.
Ayon kay Rubylin Litao, Coordinator ng grupo, ikinatuwa nila ang naging pasya ng ICC dahil ito ay hakbang patungo sa inaasam na confirmation of charges laban sa dating pangulo.
Noong nakaraang Sabado, nagsagawa ng isang press conference ang grupo kasama ang ilang pamilya ng mga biktima ng extrajudicial killings.
Sa kanilang pahayag, binigyang-diin ng mga kaanak na kung hindi sila nawalan ng mahal sa buhay, hindi rin sila mapipilitang manawagan ng hustisya.
Binigyang-pansin din ng mga pamilya ang mga hakbang na ginagawa ng kampo ni Duterte, na sa kanilang pananaw ay bahagi ng mga “delaying tactics” upang mapigil ang proseso ng hustisya.
Gayunpaman, giit nila, tuloy-tuloy ang kanilang pakikipaglaban.
Ayon sa grupo, mahalaga ang patuloy na dokumentasyon ng mga kaso upang malinaw na mailahad ang mga paglabag sa karapatang pantao.
Habang kinikilala nila ang karapatan ng kampo ni Duterte na mag-apela, iginiit nilang may karapatan din ang mga pamilya ng biktima na umantabay at manindigan para sa katarungan.
Nanawagan naman ang grupo sa kasalukuyang administrasyon na tiyakin ang seguridad at proteksiyon ng mga pamilya ng mga biktima, lalo na sa mga patuloy na lumalantad at nagbibigay ng testimonya.