Nananawagan ng tulong sa pamahalaan ang kapatid ng nawawalang Overseas Filipino Worker sa Saudi Arabia na si Melda Burlaza Bongar.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Ric Burlaza mula sa bayan ng Burgos, Pangasinan isinalaysay nito ang pinagdaanan ng kapatid bago ang kaniyang pagkawala.

Aniya, taong 2016 nang magtungo ang kapatid sa ibayong dagat sa ilalim ng kaniyang agency.

--Ads--

Ngunit sa parehong taon ay nangyari ang hindi nila inaasahang pagkakataon.

Kwento ni Burlaza, noong una’y nakakausap pa naman ang kapatid hanggang sa napilitan itong sumama sa kaniyang employer sa Jeddah para sana’y dalawin ang pamilya ng kaniyang amo.

Hanggang sa hindi na nila ito tuluyan pang nakausap at makontak.

Sinubukan pa nila aniyang humingi ng tulong sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, at tuluyan nga silang sinamahan patungong Saudi upang mahanap ang kaniyang kapatid.

Ngunit pagkarating doon at makalipas ang pamamalagi ng isang linggo ay bigo silang matagpuan si Melda.

Ngayong 2025, patuloy aniya ang kanilang hangarin na tuluyan nang matagpuan ang kapatid dahil ilang taon na rin silang nangungulila.

Nanawagan naman ito sa pamahalaan na sana’y matulungan sila sa matagal na nilang panawagan upang muling makapling si Melda.