Pansamantalang nakalaya si dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. matapos magpiyansa ng ₱1 milyon para sa kanyang kinakaharap na kasong malversation.
Inaprubahan ng Sandiganbayan Third Division ang kanyang petisyon para sa pansamantalang kalayaan habang gumugulong ang paglilitis.
Umalis siya sa Quezon City Jail Male Dormitory sa Payatas bandang alas-6:15 ng gabi.
Ayon sa desisyon ng korte, pinayagan siyang magpiyansa dahil nabigo ang prosekusyon na magpakita ng matibay na ebidensya ng pagkakasala sa yugtong ito ng pagdinig.
Maaalalang nahaharap si Revilla sa mga kasong graft at malversation kaugnay ng diumano’y anomalya sa ₱92.8-million “ghost flood control project” sa Pandi, Bulacan, na makailang ulit na ring niyang itinanggi ang anumang pagkakasangkot sa naturang scheme.
Tanging ang petisyon lang ni Revilla ang pinagbigyan habang tinanggihan ng Sandiganbayan ang aplikasyon para sa piyansa ng kanyang mga kapwa-akusado.
Una nang nagbayad si Revilla ng ₱90,000 na piyansa para sa hiwalay niyang kasong graft sa ilalim ng Fourth Division. Dahil aprubado na rin ang kanyang ₱1-M bail para sa malversation, tuluyan na siyang nakauwi.
Sa kaniyang unang Facebook post matapos ang desisyon ng anti-graft court division, nagpasalamat si Revilla sa Diyos: “Thank you Lord.”










