Hindi pa umano naibabalik ni dating Senador Ramon “Bong” Revilla ang mahigit P124 million mula sa kaniyang pork barrel case, ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla.

Tinutukoy ni Remulla ang naging desisyon noong 2018 ng Sandiganbayan na nag-atas kay Revilla na magbayad ng P124.5 milyon sa national treasury para sa civil damages kaugnay ng umano’y pagkakasangkot niya sa multi-bilyong pisong pork barrel scam matapos mapawalang sala sa kasong plunder.

Kaugnay nito, pinaalalahanan ng Ombudsman ang hukuman at si Revilla kaugnay ng naturang hatol matapos magpiyansa ng P1 million sa kasong plunder may kaugnayan naman sa flood control scandal at pinayagang pansamantalang makalaya ng Sandiganbayan Fourth Division nitong Biyernes.

--Ads--

Ipinunto ni Remulla na dapat masubaybayan ng hudikatura, sa pamumuno ng Korte Suprema, ang mga ganitong kaso, kung saan ang aspektong sibil ay kinapapalooban ng napakalaking halaga ng salapi na dapat ibalik sa kaban ng bayan

Nauna nang naghain ng mosyon ang Office of the Ombudsman noong 2019 sa anti-graft court para atasan si Revilla na magbayad ng civil damages dahil sa nagawang krimen, sa pamamagitan ng tanggapan ng dating senador.

Subalit ikinatuwiran noon ng abogado ni Revilla na si Atty. Estelito Mendoza na hindi dapat piliting magbayad ang dating mambabatas ng civil damages dahil naabswelto na siya sa kriminal na pananagutan.