DAGUPAN CITY — Naliligo sa sariling dugo at wala ng buhay nang matagpuan ang isang retiradong miyembro ng Philippine Army (PA) sa isang taniman ng mais sa bayan ng San Fabian, Pangasinan.
Kinilala ang biktima na si Alberto Lumandas, 55 anyos, may asawa at isang retired Philippine Army (PA) na residente ng Brgy. Angio, San Fabian.
Batay sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Dagupan mula sa mga otoridad, bago makitang patay ang biktima ay nagtungo muna ito sa tahanan ng mag-asawang itinuturing ngayong suspek ng mga otoridad na kinilalang sina Joel Zamora alias “Irog”, 37 anyos, isang magsasaka at Margie Zamora alias “Margie”, na kapwa residente ng nasabing barangay.
Nagkaroon umano ang mga ito ng mainitang pagtatalo at kinaumagahan ay natagpuan nalamang ang biktima na wala ng buhay sa taniman ng mais ilang metro lamang ang layo mula sa tahanan ng mga suspek.
Ilang mga patalim, baril at bala ang narekober ng mga otoridad sa tahanan ng mga suspek na patuloy paring pinaghahanap matapos na tumakas.
Sa ngayon nagpapatuloy ang malalimang imbestigasyon sa kaso upang matukoy kung paanong pinagtulungang patayin ng mag-asawa ang biktima.